Home General Info Business Tourism Government Cities & Municipalities
Senador Enrile, nakiisa sa pagdiriwang ng ika-433 guning taong anibersaryo ng Bulacan
By: PPAO
Tuesday, 16 August 2011
LUNGSOD NG MALOLOS- Kasama ang daan-daang Bulakenyo, nakiisa sa paggunita ng ika-433 taong anibersaryo nang pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan si Senador Juan Ponce-Enrile, kahapon sa Bulacan Capitol Gymnasium, lungsod dito.
Bilang may isang dugong Bulakenyo, ipinagmalaki ni Senador Enrile na siya’y nagmula sa lahi ng mga rebolusyonaryo.

“Kapag ang isang tao ay galing sa Bulacan, sinasabing ito’y matapang sapagkat ang mga ninuno niya ay ang mga rebolusyonaryong nakipaglaban para sa ating kasarinlan,” ani Enrile.

Samantala, hinikayat naman ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang mga Bulakenyo na ipagpatuloy ang paglalakbay sa lansangan at paglinang sa iba’t ibang larangan bilang ganti at pagpapahalaga sa ipinaglaban ng mga dakilang bayani ng lalawigan.
“Isabuhay natin ang pangarap na ipinagbunyi at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga ninuno, at tungkulin natin na panatilihin at pangalagaan ang kalayaang ito na tinatamasa natin ngayon,” dagdag ni Enrile.

Samantala, kasama si Enrile, pinangunahan ni Alvarado ang mga opisyal sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa isinagawang pag-aalay ng bulaklak sa monument ni Hen. Gregorio Del Pilar, gayundin ang paghahawi ng tabing ng mga gawaing nakapaloob sa pagdiriwang ng Singkaban Fiesta 2011 na siyang lundo ng programa.

Gayundin, inanyayahan ng mga opisyal ng lalawigan ang lahat na makiisa at makisaya sa makulay na selebrasyon ng Singkaban Fiesta kung saan maraming kapana-panabik na aktibidad ang magaganap.

Ayon sa pananaliksik na ginawa ng Center for Bulacan Studies, naitatag bilang lalawigan ang Bulacan noong Agosto 15, 1578. ###

Back to 2011 News Archive Menu
© 2007 Provincial Government of Bulacan, Philippines. Developed by the Provincial Information Technology Office.
Experience Bulacan