Home General Info Business Tourism Government Cities & Municipalities
Relief at rescue operations sa Bulacan, patuloy pa rin
By: PPAO
Saturday, 01 October 2011
LUNGSOD NG MALOLOS- Mahigit 23,000 relief goods ang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kahapon para sa mga bayang kasalukuyang apektado pa rin ng hindi pa humuhupang baha.

Kabilang sa mga bayang ito ang Calumpit at Hagonoy na marami sa mga kabahayan ay lubog pa rin sa tubig, at mga bayan ng Paombong, Pulilan at ilang bahagi ng Baliwag na unti-unti na ring tumataas ang tubig ng mula dalawa hanggang tatlong talampakan.

Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy Alvarado, “patuloy ang ating sabayang relief at rescue operation, hindi tayo tumitigil hanggang may banta ng panganib sa mga Bulakenyo. Nagpasa na rin ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan noong Biyernes upang mapasailalim tayo sa state of calamity, ito’y upang magamit natin ang calamity fund, maging ng bawat bayan para magkatulung-tulong sa pag-ahon mula sa sakunang ito.”

Ang Kapasiyahan Blg. 255-T’11 ay ipinasa dahil sa laki ng pinsalang tinamo ng lalawigan sa buhay at mga ari-arian. Tinatayang 765,320 katao ang apektado, 14,802 ang pamilyang inilikas o katumbas ng 62,038 na indibidwal.

Nakasaad din sa nasabing resolusyon na tinatayang mahigit P606,218, 734.91 ang nasira sa mga pananim na palay at palaisdaan habang P137,400,000 ang pinsala sa imprastraktura kabilang ang mga kalsada (provincial at national roads).

“Mayroon na rin tayong operation hatid mula kapitolyo ng Bulacan hanggang Bagbag sa Calumpit, at mula kapitolyo hanggang Halang sa Hagonoy para makatulong din sa mga Bulakenyo, kasi hindi na mapasok ng karaniwang sasakyan yung mga lugar na yon,” pahayag ni Liz Mungcal, executive officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sinabi din ni Alvarado na alerto ang lahat ng rescuer lalo’t nasa bansa na ang bagyong Quiel, na bagaman hindi direktang tatama sa Bulacan, malaki ang tsyansang dito muli babagsak ang tubig mula sa mga madadaanan nito.

Sa kasalukuyan, 38 rescue teams ang naka-duty kabilang ang Bulacan Rescue, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, Philippine Army at marami pa mula sa iba’t ibang ahensya, lokal at nasyonal. ###

Back to 2011 News Archive Menu
© 2007 Provincial Government of Bulacan, Philippines. Developed by the Provincial Information Technology Office.
Experience Bulacan