Home General Info Business Tourism Government Cities & Municipalities
Mahuhusay na mambabatas, pinarangalan sa Bulacan
By: PPAO
Friday, 23 December 2011
LUNGSOD NG MALOLOS- Binigyang parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Philippine Councilors League (PCL) Bulacan ang mahuhusay na mambabatas sa Bulacan sa pamamagitan ng Gawad Galing Sanggunian (GGS) 2011 kamakailan sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.

“Talagang ipinagmamalaki natin ang ating mga mahuhusay na mambabatas tulad ng mga pinarangalan sa Gawad Galing Sanggunian, nawa’y magsilbi silang inspirasyon sa iba pa nating mga mambabatas upang higit na makapagbigay ng kontribusyon sa ikauunlad ng ating dakilang lalawigan,” ani Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado.

Layunin ng GGS na may temang “Panibagong Yugto ng Galing at Talino, Sama-sama, Kayang-Kaya,” na mapasigla ang mga lokal na mambabatas na kanilang tuparin ang kanilang mga tungkulin taglay ang katapatan at kahusayan.

Binigyang diin din ni Alvarado ang kahalagahan ng mga mambabatas sa paggawa ng mga bagong batas na magbibigay proteksyon sa karapatan ng mga mamamayan.

“Bonus na lang ‘tong award na ibinibigay natin, pero ang achievement talagang itinuturing ng ating mga mambabatas ay yung kahit paano, napagaan nila yung buhay ng mga nasasakupan nila,” dagdag ni Alvarado.

Tiniyak naman ni Board Member Ariel Arceo, pangulo ng PCL-Bulacan na napangalagaan ang integridad at pagiging patas ng parangal na ito sa bawat hakbang ng pagpili sa mananalo.

Kabilang sa mga pinarangalan sa indibidwal na mga kategorya sina Felix Cadiz, Natatanging Kalihim ng Sanggunian mula sa lungsod ng San Jose del Monte, Sheila Ana Erina Enriquez, Natatnging Kagawad ng Sanggunian, mula sa Plaridel, at Antonio Patawaran, Natatanging Tagapangulo ng Sanggunian, mula sa Baliwag. Pinarangalan naman ang bayan ng Calumpit bilang Natatanging Sangguniang Bayan, ang lungsod ng Malolos bilang Natatanging Sangguniang Panlungsod.

At ang nagwagi sa pinakabagong parangal, ang Natatanging Ordinansa ng Taon ang City Ordinance No.16-2010.

“It is an ordinance requiring the registration of all dwellings for the rent or undertolerance found within the city, Prescribing the registration of tenants as a requirement for securing a business permit, prescribing a list of requirements to be submitted by each tenant, and prescribing penalties for violation, magandang ordinansa hindi ba, isa itong magandang simula para maisaayos at maging legal lahat ng transaksyon, ito naman ay para maprotektahan din sila bilang mga residente rin ng lalawigan,” pahayag ni Konsehal Jesus Ricardo Degala, ang may akda ng nasabing ordinansa.

Dumating din bilang panauhing tagapagsalita si Konsehal Alan Zulueta, ang national chairman ng PCL.###

Back to 2011 News Archive Menu
© 2007 Provincial Government of Bulacan, Philippines. Developed by the Provincial Information Technology Office.
Experience Bulacan